Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa Kamara na imbestigahan ang ₱244.57 billion halaga ng flood control projects.
Kasunod ito ng malawakang pagbaha na naranasan sa iba’t ibang panig ng bansa sa pananalasa ng Bagyong Carina at habagat.
Sabi ni Brosas, ito ay sa kabila ng ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na mga nakumpletong proyekto laban sa pagbaha.
Bunsod nito ay hindi maiwasan ni Brosas ang hinala na baka napunta sa korapsyon ang pondo kaya palpak ang mga flood control projects.
Binigyang-diin ni Brosas na hindi dapat hayaan na nilulustay ang pondo ng bayan habang ang mamamayan, lalo na ang kababaihan at mga bata ang nagpapasan sa mga epekto ng kalamidad.