
Cauayan City – Labis na nagagalak at nagpapasalamat si newly crowned Miss Universe Philippines Isabela 2025 at Queen Isabela 2025 Jarina Sandhu sa mga tagahanga at tagasuporta nito.
Sa isang press conference ng Queen Isabela Top 5 sa SM City Cauayan, ibinahagi nito ang sayang nararamdaman matapos na masungkit hindi lamang ang Queen Isabela Crown kundi maging ang kauna-unahang Miss Universe Philippines Isabela 2025.
Sinabi nito na isa sila sa kanyang mga naging inspirasyon dahil wala pa man siya sa prosisyon na mayroon siya ngayon ay naramdaman na niya ang mainit na suporta at panalangin ng mga ito upang siya ay magtagumpay.
Maliban dito, ibinahagi rin ni Queen Sandhu ang paghanga kay Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil bukod sa taglay nitong husay sa larangan ng pageant ay nabanggit niyang mayroon silang pagkakaparehas sa kondisyon, ang pagkakaroon ng Scoliosis.
Gayunpaman, sinabi nito na bagama’t ramdam nito ang pananakit ng likod habang nasa entablado ng Queen Isabela, nagawa pa rin niyang makapag-perform ng maayos at makamit ang koronang kanyang pinapanalangin na makamtan.
Sinabi rin ni Queen Jarina Sandhu na kanyang paghahandaan ang Miss Universe Philippines Stage at gagawin ang lahat upang mas maging proud pa ang lahat ng Isabeleño sa kanya.