Ikinuwento ni Arsenia Macababbad, ina ng sundalong nasawi sa pagpapasabog ng kampo militar sa Indanan Sulu, ang kalunos-lunos na sinapit ng pinakamamahal na anak.
Aniya, nadurog ang katawan ni Corporal Richard Macababbad at tanging daliri lamang ang nahawakan ng nagdadalamhating ina.
Dahil nagkalasog-lasog ang katawan ng sundalo, tuluyan na itong hindi naayos.
Hiling ni Arsenia, sana mahipo o mahawakan niya hanggang sa huling sandali ang sundalo.
Nagpupuyos pa rin ito sa galit sa mga taong nasa likod ng pambobomba. Aniya, dapat sunugin sila (mga suspek) sapagkat dinamay nila ang mga inosenteng nagtratrabaho.
Samantala, mariing kinundena ng Palasyo at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasabing insidente.
Pagtitiyak ng gobyerno, on-going ang imbestigasyon at manhunt operation sa nasa likod ng pagpapasabog.
Nitong Linggo ng gabi, personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ni Cpl. Macababbad.
Nagtungo si Duterte sa Libingan ng mga Bayani upang bigyan ng posthumous award ng Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kalasag ang sundalong napatay.