Kalibo, Aklan – Umabot sa P38,000 ang nakuha ng mga scammer sa bank account ng isang negosyanteng ginang kaninang pasado alas 3:00 ng hapon. Personal na tumungo ang biktimang ginang na 52 anyos at residente ng nasabing bayan sa Kalibo Municipal Police Station, upang iulat ang pangyayari. Base sa ulat ng biktima, kaninang pasado alas 3:00 ng hapon ay nakatanggap ito ng tawag mula sa isang lalaki, at nagpakilala ito bilang agent ng isang bangko sa branch na naka-locate sa Makati. Ipinagbigay-alam dito ng nasabing lalake na na-wave ang deduction ng yearly maintenance sa credit card nito. Hindi nagtagal ay ini-refer ito ng lalake sa isang babae na nag pakilala naman na manager ng nasabing agent. Ipinahayag rin ng babae sa biktima na ang na-wave ay magiging reward ng biktima dahil good standing umano ang records nito sa nasabing bangko. Pagkatapos nito, ipinahayag ng nagpakilalang babaeng manager sa biktima na buksan ang online banking app nito, ngunit dahil sa luma na ang nasabing app na naka-install sa cellphone ng biktima, dito ay inutusan nito ang biktima na magdownload ulit ng updated na application. Habang naka-deactivate ang mobile app ng nasabing biktima ay hindi niya ito ma-access gayundin na naka-auto save ang password nito. Samantala, ipinahayag ng babaeng manager sa biktima na gagabayan niya ito upang ma-reset ang password ng biktima. Dito ay nakatanggap ng One Time Pin (OTP) ang nasabing biktima sa kanyang cellphone number, at ipinadala niya ito sa nasabing manager. Samantala, nang makatanggap ulit ang biktima ng panibagong OTP ay hiningi ulit ito ng nasabing babaeng manager, upang umpisahan umano nitong ilipat ang reward sa pamamagitan ng isang online payment app. Pagkatapos nito ay sunod-sunod pang nakatanggap ng OTP ang biktima at dito ay nag-umpisa na itong magduda. Agad na tumungo sa pinakamalapit na branch ng bangko ang biktima, at dito ay napag-alaman na dalawang magkasunod na transaksyon ng pagwithdraw mula sa kaniyang bank account ang ginawa ng mga scammer. Ang pag withdraw ay dalawang magkasunod na ₱19,000.00, at may kabilugang ₱38,000.00. Ang nasabing insidente ay inireklamo niya sa tanggapan ng bangko, at dito ay temporaryong kinut-off ng bangko ang kanyang account.
Facebook Comments