
Inaresto ang isang Nigerian national sa bayan ng Binmaley, Pangasinan matapos ipatupad ang isang Mission Order kaugnay ng paglabag sa umiiral na immigration laws.
Isinagawa ang pag-aresto bandang 7:30 ng umaga noong Pebrero 4, 2026 sa pansamantalang tirahan ng dayuhan sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, nahaharap ang dayuhan, isang 38-anyos na lalaking Nigerian national at may asawa, sa kasong overstaying na paglabag sa Section 37(a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940, gayundin sa kawalan ng mga dokumento alinsunod sa Rule 9, Section 2(b) ng Omnibus Rules and Procedures ng Bureau of Immigration.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Police Intelligence Unit ng Pangasinan Police Provincial Office bilang lead unit, katuwang ang Regional Intelligence Operating Unit 1 ng Bureau of Immigration, at sa koordinasyon ng Binmaley Municipal Police Station.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Bureau of Immigration sa Maynila para sa wastong disposisyon bago isailalim sa preliminary investigation ng Legal Division ng ahensya.
Sumama rin sa pagbiyahe ang kanyang Filipina partner.










