Notoryus na Tulak ng Droga, Timbog sa ikinasang Buy-bust Operation sa Santiago City

31

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang notoryus na drug pusher na kabilang sa Regional Target List sa ilalim ng Oplan Kalbo ng PNP matapos ang isinagawang buy-bust operation kahapon sa Barangay Rizal, Santiago City.

Kinilala ang suspek na si Brian Cantry Guiring, 35-anyos, may asawa, isang welder at residente ng St. James Subdivision, Batal, Santiago City, Isabela.


Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-7:30 kagabi, Setyembre 20, 2021 ng magsagawa ng anti-illegal drug buy-bust operation ang Police Station 1, City Drug Enforcement Unit, Santiago CPO, Regional Drug Enforcement Unit 2 at PDEA RO2 sa Salvador Road, Purok 6, Rizal, Santiago City, Isabela na nagresulta ng pagkakadakip sa suspek matapos umanong bentahan ng isang pakete ng shabu ang isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang labing-apat na pakete ng shabu; isang caliber 45 pistol na walang serial number na naglalaman ng pitong (7) bala; isang genuine P1, 000 peso bill at 19 piraso ng boodle money bilang buy-bust money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments