Operasyon ng PMVIC sa Aklan magsisimula na sa September 2, renewal ng rehistro para sa motorsiklo at light vehicles hahanapan na ng certificate ng LTO.

Kalibo, Aklan— Magsisimula na ang operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center sa bayan ng Kalibo sa susunod na buwan. Ito ang kinumpirma ni Aklan LTO Chief Marlon Velez sa panayam ng RMN DYKR Kalibo. Ayon sa kanya na kasunod ng pag operate ng PMVIC sa Kalibo ay kailangan na ang certificate of inspection mula rito ang mga magrerenew ng vehicle registration. Ang mga motorsiklo at mga 4 wheeled vehicle lamang umano ang kailangang isailalim sa inspection habang ang mga mabibigat na sasakyan kagaya ng trucks ay dadaan sa emission testing. Layunin umano ng nasabing proseso na masiyasat muna ang mga sasakyan kung wala itong depekto o kailangang ayusin. Base sa proseso ng vehicle inspection center unang titingnan ng mga technicians ang papeles ng mga sasakyan, smoke emission, alignment ng mga ilaw, preno, speedometer reading, noise level ng tambutso at underchassis ng mga light vehicles kagaya ng steering assembly at suspension. Sa oras na may makitang depekto sa sasakyan o motorsiklo ay kailangan itong ayusin ng may ari. Sa oras na matapos ang inspeksyon ay magbibigay ng certificate ang PMVIC na kakailanganin naman sa Land Transportation Office bilang requirements sa renewal ng rehistro. Aabot umano sa P560 ang babayaran para sa mga motorsiklo habang P672 naman para sa mga light vehicles. Nilinaw naman ng LTO na ipinatupad ito ng Department of Transportation para masigurong road worthy at ligtas sa aksidente ang mga sasakyan na dumadaan sa mga lansangan at highway para sa kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments