P300,000 na halaga ng illegal na karneng baboy at processed meat na nakumpiska sa Caticlan Jetty Port sinunog

Kalibo, Aklan— Sinunog ng Office of The Provincial Veterinarian-Aklan ang P300,000 na halaga ng processed meat na kanilang nakumpiska mula sa isang negosyante sa Caticlan Jetty Port. Isinagawa ang naturang hakbang para maiwasan ang pagpasok ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan at maging sa buong Western Visayas. Sa panayam ng RMN DYKR Kalibo kay Dra. Mabel Sinel ng OPVET, sinabi nito na nakumpiska ang mahigit 500 kilo ng karneng baboy at iba pang processed meat noong Sabado ng madaling araw dahil walang kaukulang dukomentong naipakita ang may ari nito sa kanilang ASF Checkpoint. Isinakay umano ang naturang shipment na may pangalang nakasulat pa sa leggwaheng Chinese sa isang truck na mula Manila papunta sa lalawigan ng Capiz. Dagdag pa nito na ilan sa mga produkto ay pork belly, pork sausage, barbeque at iba. Tanging tayo sa Region 6 at 7 na lamang ang mga lugar sa bansa na hindi apektado ng ASF. Sa oras na makapasok ang African Swine Fever sa lalawigan ay siguradong maaapektuhan ang industriya ng pag aalaga ng baboy. Inabisuhan rin nito ang publiko na maging mapanuri kung bibili ng mga produktong gawa sa karne ng baboy online at tangkilikin na lamang ang mga produkto na mula sa ating lalawigan. Sa kabilang dako sinabi rin ni DRA. Siñel na malaking tulong ang hakbang ng provincial government na i-regulate ang pag shipout ng baboy mula sa lalawigan papuntang Luzon para maging stable at sapat ang suplay nito sa buong lalawigan Napag alaman na simula pa noong nakaraang taon ay aabot na sa mahigit 6 na toneladang illegal pork products ang nakumpiska ng OPVET. Sa ngayon nagpapatuloy umano ang pina igting na ASF Checkpoint sa lahat ng entry points sa Aklan.

Facebook Comments