Manila, Philippines – Pasok na sa tinatawag na provisional coverage ng Witness Protection Program ang padre de pamilya na naulila sa nangyaring masaker sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kinakailangang matiyak ang kaligtasan at seguridad ni Dexter Carlos habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang sa kanyang asawa, byenan at tatlong anak.
Alinsunod na rin ito sa itinatakda ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act Number 6981 o Witness Protection Program, Security and Benefit Act.
Gayunman, bago mabigyan si Carlos ng aktwal na proteksyon, seguridad at benepisyo sa ilalim ng WPP, kinakailangan muna siyang lumagda sa isang Memorandum of Agreement.
Sa ilalim ng nasabing batas, bukod sa pagkakalooban ng seguridad, ang mga nasa ilalim ng WPP ay maari ding mabigyan ng livelihood o kabuhayan at pinansyal na tulong.
Kahapon ay nakipagpulong si Carlos kay Aguirre at sa namumuno ng WPP na si Nerissa Carpio.