PAG-AARALAN | Makabayan sa Kamara, posibleng suportahan ang balak na paghahain ng impeachment complaint sa 8 mahistradong pumabor sa quo warranto petition laban kay dating CJ Sereno

29

Manila, Philippines – Pag-aaralan na rin ng Makabayan ang plano ng Magnificent Seven na paghahain ng impeachment complaint laban sa walong Justices ng Korte Suprema na bumoto pabor sa quo warranto laban kay dating CJ Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, pag-aaralan muna nila kung papaano mapapanagot ang walong mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition laban kay Sereno.

Naniniwala si Zarate na sinagasaan ng walong Justices ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang impeachable official.

Pero duda si Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao na maitutulak ang impeachment sa Kamara gayong mayorya ng mga kongresista ay hawak ng administrasyon at siya pa ngang nagtutulak sa quo warranto petition.

Sa tingin naman ng mga miyembro ng Justice Committee na sina AKO BICOL Representative Rodel Batocabe at COOP-NATCO Representative Anthony Bravo, malabo na makakuha ng 98 na boto ang oposisyon para mai-diretso sa Senado ang impeachment complaint sa walong mahistrado sakali mang maihain ito sa Kamara.

Facebook Comments