Pag Lockdown sa Barangay na may COVID-19 Case, Malaking Tulong

Cauayan City, Isabela- Malaki ang maitutulong ng pagsasailalim ng ‘lockdown’ sa isang lugar na may kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ito ang sinabi ni Ms. Pauleen Atal, Health Education and Promotion Officer ng DOH Region 02 sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Makakatulong aniya ito para malimitahan ang galaw ng mga tao na makipagsalamuha sa iba at mapigilan din ang pagkalat ng virus.


Kasunod na rin ito sa pagkakaroon na ng local transmission sa bayan ng Gamu at Naguilian sa Lalawigan ng Isabela.

Batay kasi aniya sa talaan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), maituturing na local transmission ang pagkakaroon ng dalawa o higit pang kaso ng COVID-19 sa isang lugar kung wala namang kasaysayan ng pagbiyahe ang mga pasyente sa mga infected areas gaya sa National Capital Region (NCR).

Isang malaking hamon din aniya ngayon ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan Valley.

Kaugnay nito, kanyang pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga protocols para makaiwas sa virus at manatili lamang sa bahay kung hindi naman aniya kinakailangang lumabas ng tahanan.

Facebook Comments