Para kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, malinaw na gumagana nang mahusay ang mga economic policy na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Barbers, patunay nito ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa 1.83 milyong Pilipino mula sa dating 2.09 milyon batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Binanggit din ni Barbers na base sa pinakahuling data ay umaabot sa 200,000 ang mga bagong trabaho na nalikha sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Diin ni Barbers, lumalabas na tamang daan ang tinatahak ni Pangulong Marcos, kasama ang kanyang economic team at mga kaalyado sa Kongreso.
Kumpiyansa si Barbers na mas dadami pa ang mapapasukang trabaho sa bansa kung matutuloy ang isinusulong na pagamyenda sa economic provision ng Konstitusyon para mahikayat ang mas maraming dayuhang mamumuhunan.