Pagbabakuna sa mga menor de edad, dapat ilatag na ng gobyerno

Pinasalamatan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Food and Drug Administration (FDA) Chief Eric Domingo sa agarang pagbibigay ng Emergency Use Approval (EUA) sa Moderna vaccine para sa mga edad 12 hanggang 17.

Sabi ni Zubiri, dahil dito ay maari ng ibigay ang Moderna at Pfizer COVID-19 vaccine sa oras na simulan ang vaccination program sa nabanggit na age group.

Kaugnay nito ay pinaghahanda na ni Zubiri ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa gagawing pagbabakuna sa mga batang 12 hanggang 17 anyos.


Umaasa si Zubiri na agad tutugon ang IATF sa hiling niya at ng iba pang mga magulang sa bansa.

Giit ni Zubiri, lubhang nakakatakot ang mga bagong variant ng COVID-19 at parami ng parami ang mga batang nabibiktima nito.

Paliwanag ni Zubiri, ang COVID-19 vaccine ay malaking tulong para maproteksyunan ang mga bata laban sa virus bukod sa mahigpit na pagsunod sa health protocols.

Dagdag pa ni Zubiri, ang pagbabakuna sa mga bata ay makakapagpabilis din sa pagkamit natin ng herd immunity laban sa COVID-19.

Facebook Comments