Isinusulong ni Senator Robin Padilla na mabigyan ng pagkakataon ang mga ‘casual’ o ‘contractual’ na empleyado sa pamahalaan na mabigyan ng “civil service eligibility”.
Sa ilalim ng Senate Bill 234 ni Padilla ay bibigyan ng civil service eligibility ang mga casual at contractual government employees na nakaabot na sa limang taon ang serbisyo.
Kailangan ang isang kontraktwal na empleyado ay malinis ang record o walang anumang administrative case at hindi nahatulan sa krimen na may kinalaman sa moral turpitude, immoral conduct, dishonesty, examination irregularity, pagkalulong sa alak o droga at hindi “dishonorably discharged” sa military service o sa anumang civilian position.
Sa oras na maging ganap na batas, ang civil service eligibility na ito ay “retroactive” para sa lahat ng mga empleyado sa gobyerno na pasok sa nasabing kwalipikasyon.
Giit ni Padilla, napapanahon na mabigyan ng ‘eligibility’ ang mga masisipag na casual o contractual government employees nang sa gayon ay mabigyan sila ng oportunidad para sa pag-angat ng posisyon at sahod, maitaas ang kanilang moral, at mapaghusay ang kanilang productivity para na rin sa benepisyo ng publiko.
Tinukoy pa ng senador na batay sa pagtaya ng Civil Service Commission (CSC), sa 2.4 million na mga empleyado ng gobyerno noong 2017 nasa 660,390 dito ang ‘job order’ o ‘contract of service’ ang status at karamihan ay hindi ma-regular sa trabaho dahil hindi sila ‘civil service eligible’.