Pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa Palawan, posibleng magpalala sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China

Posibleng lumala ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kasunod ng pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa.

Ayon sa security analyst na si Dr. Chester Cabalza, pinili ni Harris na bisitahin ang Palawan at maglatag ng mga hakbanging magpapalakas sa alyansa ng Pilipinas at Amerika dahil na rin sa strategic location nito.

Nabatid na plano ng Amerika na magtayo ng military bases sa Palawan na siyang pinakamalapit sa mga teritoryong inaangkin ng China sa West Philippine Sea.


Giit ni Cabalza, ang pagbisita ni Harris ay magbibigay ng mensahe sa China na handa ang Amerika na tuparin ang commitment nito sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa.

“Meron tayong kaguluhang nakikita. Dahil nga magtatayo ng naval bases, natural hindi naman papayag ang China do’n. So, ang pagpunta niya doon ay nagdadala ng mensahe sa China na ‘Nandito ang mga Amerikano, ang US at handa kaming i-commit yung aming ipinangako sa mga Pilipino.’ Alam natin na ang Estados Unidos ang ating treaty ally ‘no at meron tayong buhay na military ties with them,” paliwanag ni Cabalza.

Samantala, upang maiwasan ang gulo, dapat aniyang kausapin ni Pangulong Bongbong Marcos ang Beijing upang ipaalam ang nangyayari sa Pilipinas at upang alamin kung ano ang maaaring i-offer sa atin ng China.

“Ang nakikita ng China dito sa galawan natin with US is containment. Feeling nila kinukulong natin sila pero tingin naman natin, ito ay pagrespeto sa military treaty natin sa US. Pero syempre, kapag sinabi niya ito sa China, mag-iisip ngayon ang China kung ano ang pwede niyang i-offer kaya napakaganda ng opportunity na ito,” saad ng security analyst.

“Alam na natin ang perspektibo ng mga Amerikano at kung ano ang gusto nila para sa Pilipinas pero dapat malaman din natin kung ano ang gusto ng mga Chinese sa atin, para sa ganon, dun tayo mag-reflect, dun natin alamin kung ano ang dapat gagawin natin,” dagdag niya.

Si Pangulong Marcos ay nakatakdang bumisita sa China sa Enero 2023.

Facebook Comments