Nababahala si Senador Francis Tolentino na nagiging entablado na ng maruming away pulitika ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.
Sa ika-11 pagdinig ay umapela si Tolentino sa kanyang mga kasamahan na hindi dapat nagagamit ang komite upang magpalaganap ng hidwaan sa lipunan.
Giit ni Tolentino, imbes na gamitin sa batuhan ng putik at pamumulitika na nagiging sanhi ng pagkakahati ng mamamayan ay dapat magsilbing simbolo ng pag-asa at pagkakaisa ang Senate panel.
Umaasa naman si Tolentino na igagalang ng Ehekutibo ang separation of powers at padadaluhin sa pagdinig ang mga inimbitahang kawani ng pamahalaan.
Umapela rin si Tolentino sa kanyang mga kasamahan na bigyan ng kaukulang respeto ang opisina ng pangulo at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte rin.