Ikokonsidera na ng Korte Suprema ang paggamit ng Artificial Intelligence para sa pagdedesisyon at pagmo-monitor ng civil at criminal cases.
Sa pagdinig ng panukalang 2025 budget ng Judiciary, sinabi ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva na bukod sa legal research ay maaaring gamitin ang AI sa pagkalap ng data para sa pagbalangkas ng mga desisyon.
Bukod dito ay maaari ring gamitin ang AI sa pagmo-monitor ng mga huwes at mahistrado patungkol sa status ng mga kaso partikular ang mga matatagal na sa korte.
Sa kasalukuyan ay nagde-develop na ang Korte Suprema ng voice to text transcription para habang nagsasalaysay ang testigo ay nagre-record at tina-transcribe na ang mga sinasabi.
Pinag-aaralan na rin ang paggamit ng AI na pwedeng magsalin agad sa English ng mga testimonyang ginawa sa Filipino o sa ibang dayalekto.
Nagpahayag naman ng suporta rito si Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe sabay paalala na huwag masyadong dumipende sa AI upang hindi pa rin mawala ang human side sa mga desisyon sa korte.