Manila, Philippines – Kinuwestiyon ni Manila 4th District Councilor Joel Villanueva ang umano’y paggamit ng Overnight Parking permit na pirmado pa ni dating Vice Mayor Isko Moreno.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Villanueva na nakapagtataka umano na nag-iisyu pa ng overnight parking ang Manila Traffic and Parking Bureau na pirmado ni dating Vice Mayor Moreno samantalang matagal na itong wala sa City Hall.
Paliwanag ni Villanueva kawalang respesto rin umano na hindi nilagay ang pangalan ng kasalukuyang Vice Mayor na si Honey Lacuna.
Duda rin si Villanueva, na alam ni Manila Mayor Joseph Estrada ang paggamit ng lumang permit lalo pa’t nangangamba ang mga may sasakyan,na maaaring gamiting raket ang nasabing permit o maaaring ay paninira sa sino mang opisyal nang City Hall.
Aminado naman si MTPB Director Dennis Alcoreza, na nag-iisyu pa sila ng lumang overnight parking dahil marami pang natitirang lumang version nito kung saan si dating Vice Mayor Isko Moreno pa nga ang nakapirma
Subalit tiniyak nito na hindi magagamit sa anumang katiwalian ang pag-iisyu ng lumang overnight parking dahil may resibo naman umano itong kalakip.
Sinabi din ng opisyal na nagsimula na rin silang mag isyu nang bagong permit nitong nakaraang linggo alinsunod na rin sa kautusan ng Commission on Audit.