Wednesday, February 11, 2026

Paggamit ng messaging app para gayahin ang identity ng mga opisyal ng gobyerno, bubusisiin ng CICC

Iniimbestigahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga ulat na ginagamit ang messaging app na Signal upang gayahin ang identity ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay CICC Executive Director Atty. Aboy Paraiso, may mga gumamit umano ng Signal upang magpanggap bilang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles at iba pang hindi pinangalanang opisyal.

Ani Paraiso, target ng mga scammer ang ilang pulitiko at ginagamit ang Signal messaging app upang manghuthot.

Sinabi pa ni Paraiso na maaaring i-block ng gobyerno ang Signal kung hindi ito makikipag-cooperate sa isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan.

Gayunman, nilinaw ni Paraiso na hindi layon ng kanilang panukala na tuluyang i-block ang Signal bilang isang paraan ng komunikasyon.

Anang opisyal, nais lamang ng ahensya na matiyak na maayos na nate-trace ang mga gumagamit ng naturang platform na sangkot sa panloloko.

Facebook Comments