
Pag-aaralan pa ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na maging state witness ang contractor na sina Pacifico “Curlee” Discaya at asawa nitong si Sarah.
Kasunod ito ng mga ibinunyag ng mag-asawa sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes at pagharap sa Kamara kahapon kaugnay sa anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Sa ambush interview, sinabi ni DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na depende pa ito sa magiging bigat ng kanilang testimonya.
Bago niyan, sinabi ni Clavano sa Bagong Pilipinas Ngayon na tila pinalalabas ng mag-asawa na napipilitan lamang silang magbigay ng porsyento sa mga politiko, gayong alam na nila ang magkano ang hatian bago pa man ipatupad ang proyekto.
Samantala, nanindigan ang Justice Department na kailangan munang ibalik ng mag-asawang Discaya ang mga perang kinita sa gobyerno sa iligal na paraan.
Una nang ibinunyag ni Curlee Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nasa 10 hanggang 25 porsyento umano ang hinihingi sa kanila ng mga politiko at opisyal ng Department of Public Works and Highways bilang kickback sa mga nakukuhang government projects.
Samantala, natanggap na raw ng DOJ ang kopya ng request ng DPWH para maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa dating Usec. na si Roberto Bernardo at inaasahang pipirmahan na rin agad ito ngayong araw.









