Pagkakaroon ng polisiya para sa permanenteng pagpapababa sa singil ng kuryente, hiniling ni Sen. Risa Hontiveros sa gobyerno

Hinamon ni Senator Risa Hontiveros ang pamahalaan na magkaroon ng polisiya para sa permanenteng pagpapababa sa singil sa kuryente ng mga consumer.

Kasunod na rin ito ng tapyas sa singil sa kuryente ng Meralco na ₱0.72 per kilowatt hour para sa buwan ng Hulyo bunsod ng pagbaba sa generation rate sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at sa mga kontrata sa coal plants.

Aniya, ang bawas-singil sa kuryente ng Meralco ay kakarampot at pansamantala lamang.


Pero, maaaring maging pangmatagalan ang pagbaba sa singil sa kuryente kung magiging seryoso lamang aniya ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mahahalagang reporma sa sektor ng enerhiya.

Binigyang-diin ng senadora na bukod sa generation charge ay may mga hiwalay na items sa singil sa kuryente na maaari pang mabawasan at magkaroon ng pangmatagalang epekto gaya ng distribution charge ng Meralco at transmission charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Kinalampag din ni Hontiveros ang pamahalaan na aksyunan ang pagtanggal sa singil na value added tax (VAT) sa kuryente na dagdag-bayarin at matagal na ring pasanin ng mga Pilipino.

Umaasa si Hontiveros na mapapabilang sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga solusyon sa usapin ng kuryente na patuloy na nagpapahirap sa mga consumer.

Facebook Comments