Wednesday, September 2, 2026

Pagkasira ng ilang kabahayan sa may Sto. Cristo Dam matapos ang malakas na buhos ng ulan, posibleng dulot ng illegal logging —PBBM

Itinuro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang illegal logging bilang isa sa sanhi ng pagkasira ng mga bahay sa paligid ng Sto. Cristo Dam.

Sa pagbisita ng pangulo sa Lubao, Pampanga ngayong araw, sinabi nitong malaki ang epekto ng mga troso mula sa illegal logging na nanggaling sa mga kabundukan sa pagragasa ng malakas na agos ng tubig noong kasagsagan ng walang tigil na pag-ulan.

Ayon kay PBBM, hindi ang mismong Dam ang nasira kundi ang paligid nito dahil sa mga bumarang debris na nagresulta rin sa pagkasira ng mga kabahayan sa paligid.

Bilang solusyon, sinabi ng pangulo na ipaaayos nila ang nasira at maglalagay ng mga harang na siyang sasalo sa debris upang hindi masira ang mga dam.

Samantala, iniulat din ni Pangulong Marcos Jr. na bumababa na ang tubig baha sa North Luzon Expressway kung kaya’t mas mabilis na ang biyahe ng mga motorista na biyaheng northbound.

Sa kabila nito, problema pa rin aniya ang southbound ng NLEX dahil mas mababa ito habang mataas pa rin ang baha.

Bago ang pagbisita sa Pampanga, nagsagawa muna ng aerial inspection ang pangulo sa Tarlac para tingnan din ang epekto ng malawakang pagbaha na nagresulta sa pagkasira ng 2 tulay.

Facebook Comments