Pagkuha ng LTO ng third party contractors para sa iba’t ibang serbisyo, ipapasilip ng isang senador

Ipapasilip ni Senator Raffy Tulfo ang nakasanayang gawain ng Land Transportation Office (LTO) na pagkuha ng third party contractors o outsourced companies para sa iba’t ibang serbisyo na posibleng nagiging dahilan ng katiwalian.

Ayon kay Tulfo, maghahain siya ng panukalang batas sa Senado para busisiin ang mga iregularidad sa ahensya gayundi ang solusyunan ang nasabing problema.

Ilan sa tinukoy ng senador ang aniya’y pangongolekta ng P500 para sa vision test ng mga kukuha ng bago at magre-renew ng lisensya sa pagmamaneho.


Iginiit ni Tulfo na nakakalungkot na ang bilyones na nakokolekta rito ay napupunta lamang sa outsourced vision test centers na nakapalibot sa labas ng mga tanggapan ng LTO na karamihan ay mga “fly-by-night”.

Pinuna rin ng senador ang outsourced emission testing centers na naniningil ng P500 sa bawat sasakyang magpaparehistro taon-taon.

Iginiit ni Tulfo na dapat ang LTO na ang gumawa ng mga ito para ang bilyong pisong nakokolekta ay mapupunta sa kaban ng bayan at magagamit para sa mga magagandang proyekto tulad ng libreng cataract surgery at eyeglasses sa mahihirap.

Ipasisiyasat din ni Tulfo ang requirement ng LTO na pagkuha ng Compulsory Third Party Liability o CTPL na nagkakahalaga ng mahigit P1,000 para sa mga sasakyan na nagpaparehistro, kahit na nakakuha na ang mga car owner ng comprehensive insurance coverage.

Facebook Comments