
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa bayan at malasakit sa kapwa.
Sa kanyang mensahe para sa Araw ni Bonifacio, sinabi ng Pangulo na hindi kailangang humawak ng armas o makipaglaban sa digmaan upang maging bayani.
Binigyang-diin ni Marcos na makikita ang tunay na pagmamahal sa bayan sa bawat tapat na gawain, pagtulong sa nangangailangan at paninindigan para sa tama.
Hinimok din niya ang publiko na pahalagahan ang mga patuloy na naglilingkod sa bansa, nagtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino at nagsisikap para sa mas magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Ayon sa Pangulo, dapat manaig sa bawat Pilipino ang diwa ng kabayanihan, responsableng mamamayan at paglalagay sa kapakanan ng iba bago ang sarili.










