Pagmulat sa tama ng mga botante, magiging tema ng Lacson-Sotto miting de avance

Hanggang dulo ng kampanya ay sisiguraduhin ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na makukumpleto niya ang kanyang misyon na dumami pa ang mulat at nag-iisip na mga botante bukod sa pagtigil sa siklo ng gantihan ng mga pulitiko at publiko.

Ito ang pagbabatayang tema ng magiging talumpati ni Lacson para sa kanyang ‘miting de avance’ bago matapos ang linggong ito na hudyat din ng pagtatapos ng kampanya para sa lokal at pampanguluhang halalan sa Mayo 9.

Ayon kay Lacson, pinaplantsa pa nila ng kanyang campaign team ang mga pinal detalye para sa gagawing mga huling pagtitipon na plano nilang isagawa sa Cavite at sa isang lungsod sa Metro Manila.


Sa pinakahuling yugtong ito ng halalan, sinabi ng presidential candidate sa mga mamamahayag na umaaasa siyang makakarating ang kanyang mensahe para sa matalinong pagboto sa mas marami pang nag-iisip na mga botante.

“That’s why we’re focusing on dialogues; we’re focusing on issues, on platforms. And whatever happens, at least, ‘yon ang legacy na pwede naming iwanan, na we tried our best to change that culture of revenge between the voter and the voted,” aniya.

Sa tagal na nina Lacson at running mate Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa serbisyo publiko, batid nila na may ilang pulitiko at publiko ang sinasamantala ang panahon ng halalan na maghiganti sa isa’t isa, imbes na magtulungan para sa ikakaunlad ng bansa. Ang kulturang ito ang nais nilang mahinto.

“Kasi siklo na ng ano ito e, ng higantihan. Kailan pa? Ang nag-su-suffer ‘yung bansa. Hindi OA ito ha? Because we’ve been in public service for so long and we’ve observed so many elections. Ganyan na lang nangyayari, lokohan na lang nang lokohan. We want to break that,” sabi ni Lacson.

Ikinatuwa ni Lacson na natagpuan niya ang ilan sa mga ‘mulat na botante’ sa Naga City, Camarines Sur, na kamakailan ay kanyang binisita kasama ni senatorial candidate Dra. Minguita Padilla. Aniya, inihanda niya ang kanyang sarili na makantiyawan dahil alam niyang nasa teritoryo siya ng isa sa kanyang mga katunggali, ngunit hindi ito nangyari.

“Na-enlighten (sila) because of the issues that they raised, and we responded to (them), and then ‘yung platform na prinesent (present) namin. Sila pa ‘yung unang lumapit sa amin at sinundan pa nila si Dra. Padilla, (sabi sa kanya), switch na kami sa inyo now that we heard you,” lahad ni Lacson.

“So, ‘yon ang self-satisfaction na somehow mayroong na-accomplish ‘yung voters’ education, enlightenment ng voters na hindi kulay ang pinag-uusapan kundi plataporma; kundi mga issues na kaya pa lang sagutin ng isang kumakandidato,” dagdag ng presidential candidate.

Para naman kay Sotto, patuloy nilang tatalakayin ang kanilang mga plataporma na nakabatay sa isinusulong nilang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program. Naniniwala sila na ito ang kailangan para epektibong masolusyonan ang mga problema ng bansa.

Dagdag pa ng vice-presidential candidate, umaasa siyang matatandaan ng mga botante ang mga nagawa nila ni Lacson bilang mga halal na opisyal ng pamahalaan, na sa kabila ng panganib na mahawa sa kasagsagan ng pandemya ay patuloy na nagsilbi para makapagpasa ng mga batas alang-alang sa kapakanan ng mga frontliner at ordinaryong mamamayan.

“Sino ang may ginawa para sa mga kababayan natin? Sa kabuuan ha, hindi sa isang lungsod lang, kundi sa buong Pilipinas. ‘Yon na lang ang tanungin nila. ‘Yon ang i-assess nila. Sino ‘yung mga nandoon sa gitna ng panganib at hindi nakatago sa mga bahay o sa likod ng computer?” saad ni Sotto.

Nauna nang sinabi ni Sotto na kahit noong panahon na ipinatupad ang mahigpit na mga lockdown, siya at si Lacson ay palaging pisikal na pumapasok sa Senado para talakayin ang mga panukalang batas na tutugon sa mga problema at banta na idinudulot ng COVID-19 pandemic sa pampublikong kalusugan at ekonomiya.

Facebook Comments