Hinimok ni Senator Loren Legarda ang Commission on Elections (COMELEC) na magsapubliko ng election data para mas lumalim ang tiwala ng publiko sa halalan.

Sa pamamagitan aniya ng pagbubukas ng mas maraming impormasyon ay mas mauunawaan ng mga Pilipino kung papaano bumoboto ang mga tao.

Sa inirerekomendang paglalabas ng election data, hindi rito ipapakita ang pangalan at iba pang pribadong impormasyon ng mga botante kundi ipapakita rito ang nagiging pattern sa pagboto ng mga kabataan, mga rehiyon at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa ganitong paraan ay mas lumalalim ang usapan at ang partisipasyon ng lahat habang natututo ang mga botante sa kung anong isyu ang mahahalaga sa bawat sektor at nagiging mas makabuluhan sa kanila ang mga batas at serbisyo.

Iminungkahi rin ni Legarda na palawakin pa ng COMELEC ang kanilang portal o website para maisama ang mas marami pang voting data tulad ng edad, kasarian, lugar, antas ng edukasyon, at iba pa at hiniling din na idagdag ang iba pang mahahalagang detalye tungkol sa mga kandidato, tulad ng kung sila ba ay re-electionist o unang beses na tumatakbo, at iba pang impormasyon.

Facebook Comments