
Hinihikayat ni Senator Loren Legarda ang mga local water districts, mga water companies at mga regulators na pag-aralan ang pagpapataw ng mas mataas na singil o multa sa labis na paggamit ng tubig sa mga gawaing pang-komersyo.
Kabilang dito ang mga golf course, swimming pools at ilang gawaing pang-industriya na nangangailangan ng malaking kunsumo ng tubig.
Nais ng senadora na magpatupad ng mas mahigpit na patakaran laban sa labis na paggamit ng tubig ng mga malalaking negosyo at tulungan ang mga pamilyang kapos para sa abot-kayang singil sa tubig.
Bahagi ito ng 10-Point Policy Action Plan para mapaghandaan ang lumalalang epekto ng El Niño sa bansa.
Ang ipapataw na dagdag na singil o multa sa mga commercial establishments na gumagamit ng sobra-sobrang tubig ay maaaring gamitin na karagdagang pondo naman para pantulong sa pagbabayad ng tubig ng mga pamilyang mababa ang kita.
Mas mahalaga sa senadora na magamit ang tubig ng mga mas nangangailangan lalo’t ngayon na alam namang magkakaroon ng krisis sa suplay.










