PAGPAPATUPAD NG "NO VACCINE, NO ENTRY" SA MGA BUSINESS ESTABLISHMENTS, EPEKTIBO PARA MAGPABAKUNA VS. COVID-19

Cauayan City, Isabela- Suportado ni Mayor Bernard Dy ang ipinatutupad na “No Vaccine card, No Entry” policy sa mga business establishments dito sa Lungsod ng Cauayan.

Ayon kay City Mayor Dy, kautusan ito ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela at ito ay sinusuportahan ng LGU Cauayan para na rin sa kapakanan ng mga nasa loob at empleyado ng isang establisyimento.

Ito ay isang hakbang na rin para mahikayat ang iba pang indibidwal na hindi pa nabakunahan na magpabakuna na ng COVID-19 Vaccine.

Responsibilidad din aniya ng gusali na ipatupad ang naturang polisiya upang sa ganon ay matiyak na walang mangyayaring hawaan o di kaya’y para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Una nang nagbigay nang pang-unawa ang alkalde sa mga taong ayaw na magpabakuna subalit isipin pa rin sana aniya ang kaligtasan ng bawat isa.

Umaasa naman si Mayor Dy na dadami pa ang bilang ng mga bakunadong Cauayeño upang sa ganon ay magkaroon ng proteksyon ang lahat at hindi na dumami ang kaso ng COVID-19.

Mensahe naman ng alkalde na gawin ang pagpapabakuna hindi lamang sa sarili kundi sa kapakanan na rin ng pamilya, kaibigan at ng komunidad.

Facebook Comments