Pagsasapubliko ng SALN ng mga kongresista, isinulong sa Kamara

Inihain ngayon sa House of Representatives ang House Resolution 271 na nag-oobliga sa lahat ng mga Kongresista na isapubliko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.

Isinulong ito nina Representatives Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Arlene Kaka Bag-ao sa gitna ng isyu ng korapsyon sa mga flood control projects kung saan ilang kongresista ang idinadawit.

Inaatasan ng resolusyon ang House Secretary General na ipatupad ito sa ngalan ng transparency and accountability.

Tinukoy sa resolusyon na ang naturang hakbang ay alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Magugunitang sa ilalim ng Duterte administration ay ipinagbawal ng Office of the Ombudsman sa ilalim ng Memorandum Circular 1 series of 2020 ang pagsasapubliko ng SALN.

Facebook Comments