Pagsisinungaling, itinanggi ni Secretary Yasay

Manila, Philippines-Pinalagan ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay ang mga alegasyon na nagsinungaling siya sa Commission on Appointments o CA kaugnay sa kaniyang pag-aaplay ng US naturalization.

 

Giit ni Yasay, siya ay nananatili bilang isang tunay na Pilipino at may mga dokumento na syang isinumite sa CA para ito ay patunayan.

 

Gayunapman, inamin ni Yasay na nakakuha siya ng US naturalization at pasaporte noong 1986 pero lahat ito ay isinuko na niya sa Amerika.

 

Sa katunayan, noong 1993 ay nag-aplay pa raw sya ng tourist visa na nangangahulugan na sya ay hindi na American national.

 

Si Yasay ay sasalang muli ngayon sa CA hearing sa kumpirmasyon ng kanyang appointment sa DFA.

 

Kahapon ay nagtungo si Yasay sa senado at nakipagpulong kay CA-Foreign Relations Committee Chairperson Senator Loren Legarda.

 

Samantala, maliban kay Yasay ay sasalang din sa CA confirmation hearing ngayong araw sina DENR Secretary Gina Lopez at Health Secretary Paulyn Ubial.

Facebook Comments