Manila, Philippines – Walang nakikitang dahilan si Senator Risa Hontiveros para itaas ng mga bangko ang bayarin sa mga transaksyon gamit ang kanilang automated teller machines o ATM.
Diin ni Hontiveros, dagdag-serbisyo ng bangko ang mga ATM machines para sa kanilang mga customer kaya hindi ito dapat bayaran ng mahal.
Kung tutuusin, ayon kay Hontiveros, nakakatipid pa ang mga bangko ng operating expenses at labor costs dahil sa ATM.
Ayon kay Hontiveros, hindi rin maaring ikatwiran ng mga bangko na nalulugi sila sa ATM operations dahil batay sa report ng Bangko Sentral patuloy na tumataas ang kita ng mga bangko.
Tinukoy ni Hontiveros na base sa nabanggit na report ay tumaas ng 26 percent ang kita ng mga bangko sa unang bahagi pa lang ng taon, katumbas ito ng halos 110 billion pesos.
Bunsod nito ay suportado ni Hontiveros ang plano ng Committee on Banks, Financial Institutions & Currencies na busisiin ang nakaambang 50 percent na pagtaas sa ATM transaction fees.