Cauayan City, Isabela- Magkakaroon ngayong araw, December 2, 2019 ng pinal na Task Force Coordination Meeting ang PENRO, DENR, CENRO Ilagan, CENRO Naguillan, at ng LGU Ilagan sa provincial Capitol ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na ito ay bilang paghahanda sa gagawing simultaneous na pagtatanim ng 1 milyong punong kahoy sa darating na Biyernes, Dec. 6, 2019 partikular sa Sitio Lagis, Brgy. Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Pag-uusapan ang ‘site assignment’ o kung saang lugar magtatanim ang bawat grupo o ahensya ng gobyerno.
Dagdag dito, nakahanda na ang iba’t-ibang ahensya at organisasyon na magbibigay ng punong kahoy para sa proyektong Reforestation Target Action (RTA) ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Kaugnay nito ay una nang idineklara ni Isabela Governor Rodito Albano III na Special Non-Working Holiday ang ika-6 ng Disyembre bilang pakikiisa ng mga Isabelinos sa nasabing aktibidad.