Garantisado na ang 189-billion pesos na pondong magagamit ng pamahalaan pantugon sa krisis ngayon dulot ng COVID-19.
Ito ang tiniyak sa ikalawang report sa Kongreso ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act.
Nakasaad sa report na ang nabanggit na salapi ay natukoy ng DBM sa unreleased o hindi naipalalabas na pondo mula sa 2019 budget ng iba’t ibang ahensya gayundin mula sa hindi pa naipalalabas na pondo ngayong 2020.
Para sana ito sa capital outlay, maintenance and other operating expenses, at personnel services na ililipat sa mga ahensya na nagpapatupad ng mga proyekto at programa tugon sa COVID-19 situation.
Binanggit pa sa report na bahagi din ng pondo ang ilalagay sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund at sa Contigency Fund kapag kinulang ito sa pondo.