Friday, March 6, 2026

Pamahalaan nakikipag-ugnayan na sa mga oil company para hindi gaanong maramdaman ng publiko ang epekto ng taas-presyo sa petrolyo dahil sa tensiyon sa Middle East

Tiniyak ng pamahalaan na gumagawa sila ng mga hakbang para maprotektahan ang mga Pilipino mula sa biglaang pagtaas ng mga bilihin na epekto pa rin ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.

Ayon sa Department of Finance (DOF), kabilang sa kanilang pinag-aaralan ang pautay-utay na fuel price adjustments, sabsidiya sa mga public transport operators at tulong para sa mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na nakikipag-ugnayan na sila sa mga local oil company para hindi maging biglaan ang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo.

Sa pamamagitan aniya nito ay maiibsan ang pasanin ng mga Pilipino lalo na sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Sinabi pa ng kalihim na mahigpit nilang mino-monitor ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong may kaguluhan upang makaaksyon nang naaayon sa kinakailangan.

Facebook Comments