
Nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa publiko na mag-ingat laban sa heat stroke kasabay ng tumitinding init ng panahon na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalagang sundin ang mga health tips upang makaiwas sa heat stroke tulad ng pag-inom ng sapat na tubig, pag-iwas sa matagal na pagbabad sa init ng araw, at pagsusuot ng magagaan at preskong damit.
Pinayuhan din ang publiko na uminom ng hindi bababa sa 8 hanggang 10 basong tubig araw-araw upang manatiling hydrated, lalo na ang mga bata, matatanda, at mga taong matagal na nasa labas o nagtatrabaho sa ilalim ng araw.
Dagdag pa rito, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang lahat na maging mapagmatyag sa mga sintomas ng heat stroke tulad ng matinding pagkahilo, pananakit ng ulo, pagsusuka, at mataas na temperatura ng katawan upang agad na makapagbigay ng kaukulang lunas.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyong ito, layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan na mapalakas ang kamalayan ng publiko at maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init ng panahon.
Noong Sabado lamang, naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pinakamataas na computed heat index sa bansa sa Dagupan City umabot sa 43°C o ‘danger zone’. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










