PAMANTAYAN PARA SA LIGTAS AT DE-KALIDAD NA SERBISYONG PANGKALUSUGAN, PINAPALAKAS NG DOH ILOCOS

Pinapalakas ng Department of Health–Ilocos Center for Health Development (DOH-Ilocos CHD) ang pagpapatupad ng mga pamantayan para sa ligtas, de-kalidad, at batay sa ebidensiyang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Omnibus Health Guidelines o OHG.

Kaugnay nito, nagsagawa ang DOH-Ilocos CHD, sa pamamagitan ng Disease Prevention and Control Section, kasama ang Disease Prevention and Control Bureau–Evidence Generation and Technical Support Division, ng OHG Cascading Activity sa San Juan, La Union noong October 12 hanggang 15, 2026.

Layunin ng aktibidad na palalimin ang pag-unawa ng mga health worker at iba pang stakeholder sa rehiyon sa mga alituntunin ng OHG at palakasin ang wastong pagpapatupad nito sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan.

Bilang pangkalahatang patakaran sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, itinatakda ng OHG ang mga pamantayan sa paggamit ng mga kinikilalang clinical practice guidelines at pinakamahusay na makukuhang siyentipikong ebidensiya sa paggamot at pangangalaga sa mga pasyente.

Binibigyang-diin din ng mga alituntunin ang paghahatid ng angkop na serbisyong pangkalusugan ayon sa pangangailangan ng bawat indibidwal sa lahat ng yugto ng buhay.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng mga pambansa at panrehiyong tanggapan ng kalusugan, layon ng DOH-Ilocos CHD na mas mapalawak ang access ng mga Ilocano sa ligtas, angkop, at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments