ANTI-RAPE CAMPAIGN, PINALALAWAK SA MGA BARANGAY NG UMINGAN UPANG LABANAN ANG PANG-AABUSO

Pinalalawak ng lokal na pamahalaan ng Umingan, Pangasinan ang kampanya laban sa panggagahasa at iba pang uri ng pang-aabuso sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Anti-Rape Campaign sa iba’t ibang barangay sa bayan.

Pinangungunahan ang aktibidad ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO, katuwang ang Umingan Police Station ng Philippine National Police o PNP, bilang bahagi ng pagsisikap na mabawasan at tuluyang masugpo ang mga insidente ng karahasan.

Sa pamamagitan ng mga information drive at oryentasyon, layunin ng kampanya na palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa mga umiiral na batas, karapatan ng bawat indibidwal, at mga hakbang upang maiwasan ang pang-aabuso.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng agarang paghingi ng tulong at pag-uulat sa mga kinauukulan sakaling makaranas o makasaksi ng anumang uri ng pang-aabuso.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalaga ang sapat na kaalaman at malasakit ng bawat mamamayan upang makabuo ng ligtas at mapagmatyag na komunidad na hindi nananahimik sa harap ng pang-aabuso.

Sa pamamagitan ng kampanya, layunin ding matiyak na may sapat na kaalaman ang publiko sa mga nararapat na hakbang upang maprotektahan ang sarili at ang iba laban sa anumang uri ng pang-aabuso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments