Thursday, October 15, 2026

Calamity Fund, hindi dapat binawasan ng Kamara sa harap ng pagtama ng Super El Niño sa hanggang susunod na taon

Binatikos ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagtapyas ng Kamara sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa ilalim ng panukalang 2027 National Budget kahit nahaharap ang bansa sa matinding epekto ng Super El Niño.

Ayon kay Tiangco, sa ipinasang House Bill 10858 o 2027 General Appropriations Bill ay binawasan ng Kamara ng P9.5 bilyong ang P45.67 bilyon na NDDRMF o Calamity Fund kaya aabot na lang ito sa mahigit P36 bilyon.

Dismayado si Tiangco na walang paliwanag sa pagbawas sa Calamity Fund at pinuna din nya ang kawalan ng transparency sa proseso ng pagpasa ng budget.

Bunsod nito ay umaasa si Tiangco na maibabalik ang nabawas na pondo ng NDRRMF sa bersiyon ng 2027 budget na ipapasa ng Senado sa tulong nina Senators Ping Lacson at Senador JV Ejercito, na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance.

Hinggil dito ay iginiit din ni Tiangco sa liderato ng Kamara ang pagpasa sa Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act na makakatulong para magkaroon ng lubos na transparency sa budget process.

Ang bersyon ng CADENA Act sa Senado o Senate Bill No. 1506 ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 15, 2025 habang sa kamara ito ay nakabinbin pa sa Committee on Appropriations.

Facebook Comments