Pangalan ni dating PRRD, idinawit sa pagpatay sa 3 umanong Chinese drug lords na loob ng Davao Prison and Penal Farm noong taong 2016

Dalawang testigo ang humarap sa ikalawang pagdinig ngayon ng binuong quad committee ng Kamara at idinawit ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng pagpatay sa umano’y tatlong Chinese drug lords na sina Chu Kin Tung, alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Meng Pin, alias Wang Ming Ping.

Nagpakilala ang mga testigo na sina Fernando Magdadaro at Leopoldo Tan at binasa ang kanilang sinumpaang salaysay patungkol sa ginawa nilang pagpatay August 2016 sa nabanggit na mga Chinese nationals na kanilang pinagsasaksak sa loob ng bartolina ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte.

Ayon kina Magdadaro at Tan, ang kumausap sa kanila ay mga awtoridad na konektado umano sa Duterte administration.


Binanggit pa ni Tan, may pagkakataon na narinig niyang may kausap si DPPF officer in charge Superintendent Gerardo Padilla sa telepono na kaboses ni dating Pangulong Duterte at sinabi na “Congrats, job well done ang pagpatay sa tatlong Chinese pero grabe na ginawa pa nilang dinuguan.”

Sabi ni Tan, kinumpirma ni Padilla na si dating Pangulong Duterte nga ang tumawag sa kanila.

Kwento nina Magdadaro at Tan, pinangakuan sila ng tig isang-milyong piso kada ulo ng naturang Chinese nationals at kalayaan nila pero isang milyon lang ang nabigay at ikinagagalit nila na hindi natupad ang paglaya nila.

Nakasuhan ng pagpatay at dahilan kung bakit nakakulong pa rin bagay na nagtulak sa kanila para tumestigo sa imbestigasyon ng quad committee ukol sa extra judicial killings, operasyon ng iligal na droga, at Philippine Offshore Gaming Operators.

Facebook Comments