Pangulong Duterte at Energy Secretary Cusi, atupagin muna ang problema sa mataas na presyo ng langis sa halip na pangangampanya – kongresista

Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, na tigilan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagatupag sa pulitika at sa halip ay solusyunan ang problema sa sunod sunod na pagtaas sa presyo ng langis.

Inaalmahan ni Brosas ang pampitong beses na taas presyo sa langis at produktong petrolyo na matinding pahirap ngayon sa mga drivers, commuters at mga pamilya sa gitna ng pandemya.

Hirit ng progresibong mambabatas kina Pangulong Duterte at Cusi na isantabi na muna ang usapin sa halalan at aksyunan na ang walang-ampat na pagtaas sa presyo ng langis.


Aniya, hindi na malaman ng mga mahihirap kung paano babanatin ang kakarampot na kita para makatawid sa araw-araw habang ang mga nasa posisyon ay abala naman ngayon sa pangangampanya.

Inirekomenda ng kongresista na maaaring suspendihin ang implementasyon ng VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo sa minimum at pagbasura sa oil deregulation law.

Nababahala pa si Brosas na mas tataas pa ang presyo ng langis dahil mas nakadepende ang bansa ngayon sa imports at sa galaw ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Facebook Comments