Mariing kinokondena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang online gender-based violence kasabay ng patuloy na commitment ng Pilipinas sa pagsusulong sa gender equality at women empowerment.
Sa kanyang mensahe sa 36th ASEAN Summit on Women Empowerment in digital age, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang gawing ligtas sa mga kababaihan ang cyberspace.
Para sa Pangulo, kasuklam-suklam ang lahat ng uri ng gender-based violence, mangyari man ito sa virtual world o sa tunay na reyalidad.
Binanggit ni Pangulong Duterte na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa Asya sa pagsasara ng gender gap batay sa Global Gender Gap Report 2020 ng World Economic Forum, kung saan nasa ika-16 na pwesto ang Pilipinas mula sa 153 bansa ngayong taon.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang mga nilagdaang batas sa ilalim ng kanyang administrasyon na layong mapalakas ang access ng mga kababaihan sa health services, kanilang economic at political participation, at ang kanilang kaligtasan at seguridad.
Kabilang na rito ang Universal Health Care Act, Expanded Maternity Leave Law, Safe Streets and Public Spaces Act at Organic Law para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kabila nito, aminado si Pangulong Duterte na patuloy pa rin ang diskriminasyon at pang-aapi sa ilang kababaihan.
Kaya nananawagan siya para sa isang gender-responsive recovery plan sa rehiyon para matiyak ang aktibong partisipasyon ng mga kababaihan lalo na ngayong pandemya.