Panukala na nagsusulong ng karapatan ng mga foundling sa bansa, lusot na sa komite ng Kamara

Aprubado na sa House Committee on the Welfare of Children (subject to amendments) ang House Bill 3472 o Foundling Welfare Act na naglalayong isulong ang karapatan ng mga foundling o inabandonang bata sa bansa.

Ayon sa may-akda ng panukala na si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, layunin nito na maisulong ang interes at karapatan ng mga inabandonang bata at kilalanin ang mga ito na isang ‘natural born’ Filipino.

Pinuna ni Ong ang kasalukuyang batas na kung saan kinakailangang magpakita ng patunay ang isang ‘foundling’ ng blood relation nito sa isang Pilipinong magulang bago maikunsidera at kilalaning natural-born citizen ng bansa.


Iginiit ng kongresista na bukod sa pahirap ay imposible rin para sa isang ‘foundling’ na tugunan ang mga hinihinging requirements para patunayan ang kanilang pagiging Pilipino at napagkakaitan ang mga ito na makapag-aral, makapagtrabaho, maikasal at makatanggap ng iba pang benepisyong tinatamasa sa bansa.

Sa oras na maging ganap na batas, agad na kikilalanin na natural-born citizen ng bansa ang mga foundling na matatagpuan sa mga ampunan at iba pang charitable o government institutions kahit iyong mga batang sumasailalim pa sa proseso ng pag-aampon.

Mahaharap naman sa mabigat na parusa tulad ng pagkakabilanggo ng hanggang anim na taon o multang P200,000 hanggang P1 milyon ang sinumang indibidwal na magdi-discriminate o magkakait sa kanilang mga karapatan tulad sa edukasyon, trabaho, mga serbisyo at iba pa.

Nangako naman ang Chairman ng komite na si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez na mamadaliin sa Kamara ang tuluyang pag-apruba sa panukala.

Facebook Comments