Inihain sa Kamara ang panukalang batas upang buwagin ang Presidential Commission on Good Government o PCGG.
Ayon kay Manila 6th District Representative Bienvenido Abante, masyado nang magastos para sa gobyerno ang pag-operate ng PCGG na nagkakahalaga ng 168 milyong piso kada taon.
Dagdag pa nito, maaari namang ilipat ang kanilang tungkulin sa Department of Justice (DOJ) at sa privatization office ng Department of Finance (DOF).
Nanindigan naman ang PCGG na patuloy na ginagampanan ng ahensya ang kanilang tungkulin na magbenta ng assets upang kumita ang ahensya at sa katunayan ay nakakapag-remit sila ng aabot sa 600 milyong piso kada taon.
Mababatid na binuo ni dating Pangulong Cory Aquino ang PCGG upang mabawi ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.
Samantala, una nang binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos noong kampanya para sa 2022 elections na palalawakin niya ang tungkulin ng PCGG upang puntiryahin ang lahat ng kaso ng katiwalian at korapsyon sa gobyerno.