
Lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 8220 o panukalang i-reset sa ikalawang Lunes ng Setyembre ngayong taon ang unang regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
247 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala at walang komontra.
Ayon kay House Committee on Suffrage and Electoral Reform Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na siyang sponsor ng panukala, layunin nito na maprotektahan ang integridad ng peace process at masigurado na ang unang maitatayong Bangsamoro Parliament ay legal at nakabatay sa Konstitusyon.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng hold-over capacity sa mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority hanggang sa maihalal ang mga bagong opisyal ng rehiyon.
Batay sa panukala, matapos ang election sa Setyembre ay masusundan ito kada tatlong taon kaya inaatasan nito ang Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office, na bumuo ng patakaran at regulasyon batay sa mga umiiral na batas kasama ang Bangsamoro Organic Law at Bangsamoro Electoral Code.
Ang panukala ay kasama rin sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).










