
Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10995 o panukalang ibaba sa 56 na taong gulang mula sa kasalukuyang 60-taong gulang ang optional retirement age ng mga empleyado ng gobyerno.
209 na mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala, walang tumutol at isa ang nag-abstain.
Aamyendahan ng panukala ang Section 13-A ng Republic Act No. 8291 o ang Government Service Insurance Act of 1997.
Nakasaad sa panukala na maaring mag-avail nito ang mga miyembro ng GSIS na edad 56 o nakapaglingkod na ng hindi bababa sa 15 taon sa pamahalaan at hindi tumatanggap ng buwanang pensyon dahil sa permanent total disability.
Layunin ng panukala na magkaroon ng opsyon ang mga nasa gobyerno na magretiro ng mas maaga para magkaroon sila ng mas maraming pagkakataon na makasama ang kanilang mga mahal sa buhay gamit ang kanilang retirement benefits at ipon.










