
Pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibilidad na maging launch site ng SpaceX, ang kompanyang itinatag ng bilyonaryong si Elon Musk.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakikipag-usap na ang pamahalaan sa SpaceX para magamit ang bansa bilang lugar ng paglulunsaran ng mga rocket.
Kabilang sa mga pinag-uusapan ang paggamit sa rocket launch facility sa Cagayan upang makahikayat ng mga kompanyang nais maglunsad ng kanilang mga rocket.
Bukod sa posibleng kita, inaasahan ding mapapababa nito ang gastos at mapapadali ang pagpapadala ng mga satellite ng Pilipinas sa kalawakan.
Paliwanag ng pangulo, may bentahe ang lokasyon ng Pilipinas sa kanlurang bahagi ng Pacific Ocean dahil kung magkaroon ng aberya sa rocket launch, sa dagat posibleng bumagsak ang rocket sa halip na sa mga mataong lugar.
Nilinaw naman ni Marcos na hindi layunin ng Pilipinas na magkaroon ng sariling space program gaya ng NASA, kundi pasukin ang negosyo ng rocket launches na maaaring pagkakitaan.










