
Kinilala ng opisina ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagtanggap sa notice of complaint na inihain laban sa senador dahil sa matagal na panahon na pagliban nito sa trabaho.
Sa liham na may petsang Nobyembre 19, 2026, na ipinadala kay Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Sen. Vicente “Tito” Sotto III, sinabi ni Marianne Kristel Dela Rosa-Estoesta, chief of staff ni Sen. Ronald dela Rosa, na ang natanggap nilang abiso ay may petsang Nobyembre 5 na may kaugnayan sa reklamong inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt.
Ang natanggap aniya ng opisina ni Sen. Bato ay naglalaman ng pangunahing reklamo ng mga sinumpaang salaysay nina Susan Villanueva, Jasmine Ong, Cielo Magno, Jaimee Baliton at Christopher Cabahaug.
Ipinost ng grupong Wag Kang KuCorrupt nitong Biyernes, sa kanilang Facebook page ang liham ng komite na nagpapadala ng reklamo kay Dela Rosa na kinumpirma naman ni Sotto, na lumagda sa dokumentong may petsang Oktubre 22, 2026.
Hinihiling naman ng komite sa opisina ng senador na magsumite na ng written response kasama ang anumang impormasyong may kaugnayan sa reklamo, sa loob ng panahong nakasaad sa naturang liham.
Binigyan ng Ethics Committee si Dela Rosa ng 15 araw mula sa pagtanggap niya ng reklamo upang magsumite ng nakasulat na paliwanag at anumang impormasyong may kaugnayan sa naturang usapin.
Samantala, wala naman nang iba pang dokumentong isinumite kaugnay ng naturang reklamo maliban sa ipinadalang liham ng komite na may petsang October 22, 2026.










