Inaprubahan na ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill 3621 o panukalang “Out-of-School Youth Skills Education Act,” na inihain nina Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing.
Ayon sa chairman ng komite na si Baguio City Rep. Mark Go, layunin ng panukala na mapalakas ang programa para sa libreng technical vocational course sa mga out-of-school youth.
Itinuturing na out-of-school youth ang isang indibidwal kapag ito ay edad 15-24 na hindi nag-aaral, hindi nagtatrabaho, at hindi nakatapos ng kolehiyo.
Tinukoy ni Suansing ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na noong 2020 ay mayroong 3.9 milyong out-of-school youth sa bansa at ito ay 16.9% ng 20 milyong Pilipino na 15-24 taong gulang.
Sabi ni Rep. Suansing, sa ilalim ng panukala ay mabibigayn ng pagkakataon ang mga out-of-school youth na makakuha ng angkop na pagsasanay upang makapasok ng trabaho o makapagtayo ng negosyo.