Inihain na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na magtatag ng eskwelahan para sa nais magtayo ng negosyo o Philippine Entrepreneurs Academy.
Ini-akda ito ni Senator Lito Lapid at inendorso naman sa plenaryo ni Committee on Higher, Technical and Vocational Education Chairman Senator Joel Villanueva.
Inaasahang itatayo sa Baguio City at Clark, Pampanga ang Philippine Entrepreneurs Academy na pangangasiwaan ng Commission on Higher Education o CHED.
Magtuturo ito ng degree programs, technical-vocational courses, at entrepreneurship development training sa larangan ng agrikultura, pangangalakal, teknolohiya, at manufacturing.
Magiging bahagi dito ang mga programa at kursong binuo ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology at iba pang ahensya ng gobyerno.
Binigyang-diin sa panukala ni Lapid na ang Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs at maituturing na gulugod ng ekpnomiya ng bansa.
Giit naman ni Villanueva, mapapadali ng Academy ang paglago ng mga MSME na magpapasigla sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagdagdag ng trabaho, teknolohiya at produksyon.