Monday, February 9, 2026

Panukalang WPS Education Act, pinamamadaling maipasa ng isang senador

Hinikayat ni Senator Erwin Tulfo ang mga kapwa senador na agad na ipasa ang Senate Bill 1625 o ang West Philippine Sea (WPS) Education Act.

Kasunod na rin ito ng puna ng senador na marami pa rin sa mga Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang mga teritoryo ng bansa.

Bunsod nito ay nanawagan si Sen. Erwin na kumilos na ang Senado at magsagawa na ng pagdinig tungkol dito sa lalong madaling panahon.

Mahalaga aniya na matiyak na ang mga Pilipino ay may sapat at tamang impormasyon sa sitwasyon ng West Philippine Sea.

Sa panukala ay magiging bahagi na ng kurikulum sa basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa teritoryong pandagat ng Pilipinas kabilang ang mga internationally recognized facts, mga desisyon ng Korte Suprema at mga kaugnay na batas tungkol sa WPS.

Naniniwala si Tulfo na maipaglalaban natin ang ating mga karapatan kung alam natin kung ano ang mga ito kasabay ng babala na kung hindi ito gagawin ay tiyak na magiging target ng disinformation at propaganda ang mga Pilipino na maaaring makaapekto sa kaisipan ng susunod na henerasyon.

Facebook Comments